Tagalog sa Web mga ibang wika
Mga Maililipat na Paniniwala mula kay Dr. Bill Bright Paano Ka Makararanas ng Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos

Paglipat Mula Sa Walang Bungang Buhay


Sa pagsasalita ko sa milyon-milyong mga Kristiyano sa buong mundo, natuklasan kong ang mga bigo at walang bungang mga mananampalataya ay nagnanais ng pagbabago ngunit di nila alam ang gagawin. May mensahe ng pag-asa at pagtulong ako para sa kanila at sa iyo: Mababago mo ang bigo at walang bungang buhay. Makararanas ka ng puspos at masaganang buhay na ipinangako ng Diyos sa lahat ng Kaniyang anak kay Jesus.

Isang araw habang ako’y nagmamaneho sa isang di-pamilyar na lunsod, natagpuan ko ang sarili kong gumawa ng maling pagliko at pagtahak sa kalyeng pang-isang tunguhin lamang. Ang mga tao sa tabing daan ay tinawag ang aking pansin na ako’y tumatahak sa maling paraan. Ngunit ako'y nasa maling daan na nang matiyak ko ito. Ang naging suliranin ko ay paano ako iikot na pabalik! Di nagtagal sa tulong ng isang pulis, nabago ko ang aking tunguhin at ako’y nakahingang maluwag at masayang tumakbong muli kasama ng trapiko. Ganon din sa buhay Kristiyano. Kung ikaw ay namali ng tunguhin, kailangan mo ang isang makatutulong sa iyo pabalik. Sa aklating ito, nais kong ipakita kung paano tumakbong pabalik.

Ang Biblia, ang banal at hiningahang Salita ng Diyos, ay ang ating gabay. Isinulat ni Pablo:

Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran. Upang ang tao ng Diyos ay maging sakdal, tinuruang ganap sa lahat ng gawang mabuti ( II Timoteo 3:16, 17).

Hindi ka lamang tinuturuan ng Biblia kundi ipinapakita rin kapag may mali kang tunguhin, tinutulungan kang makabalik sa tama, at sanayin kang magpatuloy sa tamang daan.

Upang maunawaan ang suliranin ng mga namamali at di-mabungang mga Kristiyano, dapat na malaman kung ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa suliranin. Sinasabi nitong may tatlong uri ng tao sa mundo: ang taong nasa likas na katauhan, ang taong nasa espiritu, at ang makamundong mananampalataya. Nais kong ibahagi sa maikling paraan ang mga katangian ng mga uri ng mga taong ito.


1. Ang Tao Sa Likas Na Katauhan

Bago ka naging mananampalataya, ikaw ay tinatawag sa Kasulatang "taong nasa likas na katauhan":

Paano Ka Makararanas ng Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos

Kinakatawan ng bilog ang iyong buhay, at kinakatawan ng trono ang iyong kalooban.

SATANAS

ESPIRITU

DIYOS

Ikaw ay namuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at ang iyong kalakasang makalaman - na nasa kapangyarihan ni Satanas - ay "nasa trono," - sumasakop sa iyong buhay. Si Kristo’y nasa labas ng iyong buhay, kumakatok sa pintuan, nagnanais na palayain ka sa kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ng Kaniyang pag-ibig, pagpapatawad, at walang hanggang buhay.

Ang taong nasa likas na katauhan ay nagpapalagay na ang mga bagay ng Espiritu ng Diyos ay kalokohan. Isinulat ni Pablo:

"Ngunit ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos: sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawaan sapagkat ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu." (I Corinto 2:14).

Sa pagsusumikap mo ayon sa iyong sarili, ikaw ay patay sa espiritu at hiwalay sa kaniya dahil sa kasalanan.

At isinuko mo ang iyong buhay kay Jesu Cristo:


2. Ang Taong Nasa Espiritu

Paano Ka Makararanas ng Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos

DIYOS

SATANAS

Sa iyong paanyaya, si Kristo’y pumasok sa iyong buhay at naupo sa trono upang patnubayan at palakasin ka na mamuhay sa Kaniya. Sa pagkakataon ding iyon, ang Kaniyang Banal Na Espiritu ay nanahan sa iyo, binigyan ka ng bagong buhay, tinatakan ka para sa langit, at bininyagan ka sa katawan ng mananampalataya. Kapag si Kristo (Espiritu) ay nasa trono, ikaw ay "napuspos" (pinapangyarihan) ng Banal Na Espiritu.

Nauunawaan ng taong espirituwal ang mga bagay tungkol sa Diyos. Ang apostol na si Pablo ay nagtala:

Ngunit ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya’y hindi sinisiyasat ng sinoman. Sapagkat sino ang nakakilala ng pag-iisip ng Panginoon, upang Siya’y turuan niya? Datapuwa’t nasa atin ang pag-iisip ni Kristo (I Corinto 2:15, 16).

Ang pagiging "puspos" ng Espiritu ay ang pagpapahintulot kay Kristo na umupo sa trono ng buhay. Hindi Siya magpipilit na kumilos na laban sa iyong kalooban. Kapag sa kabila ng Kaniyang patnubay at babala, nais mo pa ring maipailalim sa gawain ng laman at hindi isuko sa Kaniya ang natatago o hayag na kasalanan, malumbay Niyang lilisanin ang trono. Kung ikaw ay may di nahahayag na kasalanan, ang Salita ng Diyos ay naglalarawan sa iyo bilang isang "makamundo" o "nasa laman."


3. Ang Makamundong Mananampalataya

Paano Ka Makararanas ng Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos

DIYOS

SATANAS

Malaki ang kaibahan ng Kristiyano sa isang hindi Kristiyano. Malinaw na itinuturo ng Kasulatan sa II Corinto 5:17, "Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Kristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; anrito, sila’y pawang naging mga bago." Gayundin, "Ang nagsasabing siya’y nananahan sa Kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya." (I Juan 2:6) Ngunit kalimitan, tulad ng isinulat ni Pablo sa I Corinto 3, ang makamundong Kristiyano ay kumikilos gaya ng isang di-Kristiyano, at napakahirap sabihin kung ano ang kaibahan ng dalawa.

Ang makamundong Kristiyano ay isang tumanggap na kay Kristo ngunit pinayagan ang kaniyang makasalanang kalikasan na mabawi ang trono sa pamamagitan ng kasalanan. Pag-aari pa rin ng Diyos ang taong ito, at si Kristo ay nasa kaniya pa ring buhay, ngunit siya ay nahulog sa kasalanan sa isa o ilang bahagi ng kaniyang buhay. Dahil hindi napailalim sa Diyos, ang makamundong mananampalataya ay di lumalago dahil di niya ipinapahayag at pinagsisisihan ang kaniyang kasalanan, at napagtagumpayan ni Satanas na ipailalim siya sa kapangyarihan niya sa pamamagitan ng laman.

Isinulat ni Pablo sa mga mananampalataya sa Corinto:

Ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati ; sapagkat kayo’y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya; Sapagka’t kayo’y mga sa laman pa: sapagka’t samantalang sa inyo’y may mga panibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo’y mga sa laman, at kayo’y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao? (I Corinto 3:1-3).

Ang makamundo o makalamang Kristiyano ay tunay na nakararanas ng kahatulan ng Banal Na Espiritu at di magpapatuloy sa kasalanan; kundi’y maaaring di siya tunay na Kristiyano. Bigo at walang bunga, nakasandig ka sa sariling gawa at lakas na ipamuhay ang buhay Kristiyano sa halip na sumandig sa di-pangkaraniwan at walang hanggang pagkukunang Banal Na Espiritu. Hawak sa isang kamay ang pansariling naisin at pagnanais ng pagpapala ng Diyos sa kabila, ang taong ito’y paulit-ulit na bigo na ipamuhay ang buhay Kristiyano sa kapuspusan at kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Ang kalagayan ng pagiging nasa laman, o di nahahayag na kasalanan, ay isang kulang-palad na katayuan. Ngunit malungkot isiping ito mismo ang kalagayan ng milyong mga mananampalataya sa kasalukuyan - nasa tronong muli ng kanilang buhay - at kalimita’y di napagtatanto na sila’y nasa laman. Isang lalaki ang nagsabi sa akin na malimit magsalita ang kanilang pastor ng tungkol sa makamundong Kristiyano; palagi niyang naiisip na ibang tao ang tinutukoy ng pastor. Malaki ang pagkabigla niya nang matuklasan niyang siya ay makamundong Kristiyano.

Alam ni Pablo kung ano ang maging maka-mundo. Sa ikapitong kapitulo ng Mga Taga Roma ay itinala niya:

Sapagka’t nalalaman natin na ang kautusa’y sa espiritu: ngunit ako’y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Sapagka’t ang ginagawa ko’y hindi ko nalalaman: sapagka’t ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko. Ngunit kung ito ay hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na nabuti ang kautusan. Kaya ngayo’y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin. Sapagka’t nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anumang bagay na mabuti: sapagka’t ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa’t ang paggawa ng mabuti ay wala. Sapagka’t ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: ngunit ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa. Datapuwa’t kung ang hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin (Mga Taga Roma 7:14-20).

Inilalarawan ba ang talatang ito ng Kasulatan ang kasalukuyang katayuan mo sa Diyos?

Sa Detroit, MI isang matandang mag-asawa ang dinala sa pagamutan dahil sa kakulangan ng sustansiya sa katawan at pagkagutom. Nang magsaliksik ang mga pulis sa kanilang magulong bahay, ay natuklasan nila na may $40,000  na nakatago sa kanilang mga gamit. Matagal nilang nakalimutan na mayroon silang ganoong kayamanan.

Ganoon din naman, ang makamundong Kristiyano ay namumuhay sa espirituwal na paghihikahos tulad ng isang di naniniwala sa Diyos: sinasabing naniniwala sa Diyos ngunit kumikilos siyang parang walang Diyos.  Hindi niya nauunawaan ang kahalagahan ng pagkamatay ni Jesus sa krus at ng Kaniyang muling pagkabuhay mula sa mga patay. Hindi lamang binayaran ni Kristo ang kaniyang kasalanan, kundi tahasan Niyang binuwag ang kapangyarihan ng kasalanan sa kaniyang buhay.

Nauunawaan ni Pablo ang hirap at kabiguan ng pagtatangkang ipamalas ang buhay Kristiyano sa sariling kalakasan. Itinala niya:

Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin. Sapagka’t ako’y nagagalak sa kautusan ng Diyos ayon sa pagkataong loob: Datapuwa’t nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Abang tao ako! Sinong magliligtas sa atin sa katawan nitong kamatayan? (Mga Taga Roma 7: 21-24).

Naitanong mo na ba, "Sino ang magpapalaya sa akin mula sa aking pangit na sarili, mga kabiguan at pagkatalo? May mabuting balita! Tingnan ang sagot ni Pablo:

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pamamamagitan ni Jesus na Panginoon natin. (Mga Taga Roma 7:25).

Ang pastor ng isang malaking simbahan ay nakipag-usap sa akin matapos akong magbigay ng mensahe kung paano makararanas ng pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos. Puno siya ng pagkamuhi at pagtutol sa mga pinuno ng kaniyang dating simbahan dahil sa pakiramdam niya’y nais siyang gawan ng masama ng mga ito at ninanais pang ibagsak ang kaniyang ministeryo.

Napagtanto ng pastor na sa kaniyang pagtatangkang makaganti ay naging imbing mapamula at makamundong Kristiyano siya. Dumating siya sa sukdulan na kailangang makipag-ayos siya sa Diyos o lumabas sa paggiging pastor. Nasabi niya, "Ang tila kanser na kamunduhang ito ay sinisira ang aking buhay at ministeryo."

Habang kami’y nakaluhod upang angkinin ang pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos, ang kaniyang luha ng pagsisisi ay sinundan ng luha ng kagalakan. Makaraan ang ilang araw tinungo niya at binisita ang mga pinuno ng simbahan na kinamuhian niya, at nang sabihin niya sa mga ito na iniibig niya sila at hininging patawarin siya, ay tumugon ang mga pinuno nang may kagalakan at Kristiyanong pag-ibig. Ang mahal na pastor na ito ay nagbalik sa kaniyang pangalawang simbahan na may pusong nag-aalab sa pag-ibig at sigla sa ating Panginoon.

Isang mangangalakal mula sa isang simbahan ang nakipagkita sa akin isang araw na nanlulumo dahil  ang kanilang simbahan ay maghihiwalay.

"Kalahati ng aming mga kasapi ay aalis upang magtayo ng bagong simbahan," wika niya.

Nakapanlumo rin ito sa akin sapagka’t wala nang mas higit pang nakalulungkot   kaysa makita ang isang grupo ng mga mananampalataya na mahahati.

Nang kami’y mag-usap, nalaman  ng lalaki at inamin niya na siya ay makamundong Kristiyano. Ipinaliwanag ko sa kaniya na hangad ng Diyos na mamuhay siya sa Espiritu. Hindi niya kailangang magpatuloy na mamuhay sa kamunduhan. Pagkatapos, kami’y lumuhod at nanalangin. Humingi siya ng tawad sa kaniyang mga kasalanan at inanyayahan ang Diyos na puspusin at ipailalim ang kaniyang buhay sa Banal Na Espiritu. Habang kami’y nagagalak sa ginawang ito ng Diyos, sinabi niya, "Alam mo, wala nang magiging suliranin ngayon sa simbahan namin sapagkat ako ang naging dahilan ng mga kaguluhan."

Masaklap mang sabihin subalit ang asido ng kamunduhan ay hindi lang sumusunog sa mga simbahan. Pinawawalang saysay din nito ang kasal, tahanan, pamilya, at gawain ng Diyos. Malamang na nadarama mo rin ang epekto nito sa ugnayan ng mga dating nagmamahalan na ngayon ay tumabang na ang pag-iibigan at mga magkakaibigang naging mistulang magkakilala na lamang.

[Nakaraang Pahina // Paano Ka Makararanas ng Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos // Susunod na Pahina]

Jesu Cristo

Sino si Jesus?

Ang Pelikulang Jesus Ang Apat na Tuntunin Ang Buhay Na Puspos ng Banal na Espiritu Mga Oportunidad Mga Makatutulong na Impormasyon

© 1998-2003 Philippine Campus Crusade for Christ

03/19/01