Tagalog sa Web mga ibang wika

Mga Maililipat na Paniniwala ni Dr. Bill Bright

Paano Ka Makararanas ng  Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos

Paano Tanggapin ang Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos


Naitanong mo na ba ang tungkol sa pagpapatawad ni Kristo? Kung ganon, may magandang balita ako sa iyo. Ang pagkamatay ni Kristo sa lugar mo ay ang batayan ng pagpapatawad sa iyo. Dahil sa paghaliling pagkamatay ni Kristo sa krus, ang pagpapatawad sa iyo ay hindi lamang maaasahan. Ito ang katotohanan!

Binayaran ni Kristo ang iyong kasalanan - buong-buo, minsanan, at para sa lahat. Kung ikaw ay Kristiyano, lahat ng iyong kasalanan - kahapon, ngayon, at bukas - ay pinatawad na. Wala ka nang maidadagdag pa sa ginawa ni Kristo para sa iyo. Ang pagmamakaawa, luha, sariling sikap, at mga ritwal na pangrelihiyon ay hindi makapagpapabago sa iyo sa harapan ng Diyos. Nangyari na iyan - sa sandaling ihayag mo ang iyong kasalanan at ilagak ang pananampalataya kay Kristo bilang Tagapagligtas at Panginoon.

Sinasabi sa Hebreo 10:

Sa kaloobang yaon tayo’y pinapaging- banal sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Kristo na minsan magpakailanman.

Sapagka’t sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailanman ang mga pinapaging-banal.

At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan (Hebreo 10: 10, 14, 18).

Upang maranasan ng pagpapatawad ng Diyos, ihayag lamang ang iyong kasalanan at tanggapin ang kaniyang pagpapatawad na may pananampalataya. Tinatawag ko itong "Espirituwal na Paghinga."

Katulad ng iyong paghingang palabas at paloob, ganon din naman sa paghingang espirituwal.

Humihinga kang palabas kung inihahayag mo ang iyong kasalanan. Ipinangangako sa Biblia na kung ipinahahayag mo ang iyong kasalanan, ay tapat at banal siya na ikaw ay patatawarin sa iyong mga kasalanan, at lilinisin sa lahat ng kalikuan (I Juan 1:9). Ang ipahayag ang iyong kasalanan ay nangangahulugang umaayon ka sa Diyos tungkol sa iyong mga kasalanan. Ang iyong pag-ayon ay nangangahulugan ng tatlong bagay:

Una, umaayon ka na ang mga kasalanan mo ay mali at nakalungkot sa Diyos. Ang Diyos ay banal at walang bahagi sa kasalanan. Bagaman mahal ka Niya kahit may di-nahahayag kang kasalanan sa iyong buhay, dapat mong ituring nang lubha ang iyong kasalanan tulad nang pagtuturing niya upang tumanggap ng Kaniyang patawad. Ang hindi pag-angkin ng kasalanan ay kawalan ng kaligtasan Sinasabi sa Kawikaan 14:9, "Ang mangmang ay tumutuya sa sala." Isinulat ni Juan, "Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung sinasabi nating tayo’y hindi nangagkasala, ay ating ginagawang sinungaling siya, at ang kaniyang salita ay wala sa atin" (I Juan 8, 10).

Pangalawa, kinikilala mong napatawad ka na ng Diyos sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo at ang pagkabuhos ng Kaniyang dugo sa krus.

Samakatuwid, ang pagpapahayag ng kasalanan ay tanda ng pananampalataya at ng pagsunod, at pinatutunayan nito ang nagawa na Niya sa pagkamatay ni Kristo.

DIYOS

KASALANAN

Ang di-naipapahayag na kasalanan ay humahadlang sa pagdaloy ng kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay. Hayaan mong ipaliwanag ko ito. Isang araw habang pinatatakbo ko ang de koryenteng laruang tren ng anak ko ay bigla na lang itong huminto ng pagtakbo. Hindi ko alam kung ano ang mali. Pinaghiwalay ko ang mga piraso ng tren at pinagdugtong ulit. Inayos ko ang pasak (plug) sa saket (socket). Walang nangyari. Pagkatapos ay natuklasan ko ang isang maliit na piraso ng metal - isang "Walang Palikong" tanda - ay bumagsak sa daanan ng tren na siyang humadlang sa daloy ng kuryente.

Upang magkaroon nang matagumpay na buhay Kristiyano at mabuhay sa espiritu, kailangang wala kang pagkukulang sa Diyos. Ibig kong sabihin ay dapat mong ipahayag ang anumang kasalanang ipinahihiwatig sa iyo ng Banal Na Espiritu.

Kung hindi mo ihahayag ang iyong kasalanan, magiging makalaman ka at lalakad sa dilim sa halip na sa liwanag ng pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos.

Pangatlo, magsisi ka. Iwasto mo ang iyong ugali na magbubunga ng wastong pagkilos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal Na Espiritu, tumatalikod ka sa iyong mga kasalanan at baguhin ang iyong kilos. Sa halip na gawin ang ayon sa makamundo, makalaman mong naisin, gawin mo ang nais ng Diyos sa kapangyarihan ng Banal Na Espiritu.

Sa pamamagitan ng pagpapahayag mo ng iyong kasalanan, sinisimulan mo ang paraan nang "Paghingang Espirituwal" na palabas. Nababago ka mula sa pagiging makamundong Kristiyano sa pagiging espirituwal na Kristiyano sa paghinga nang paloob, na inangkin nang buo ang kapangyarihan ng Banal Na Espiritu sa pamamaraan ng pananampalataya. Maraming tao ngayon ay itinatatuwa ang mantsa ng kasalanan sa kanilang buhay. Ang iba’y hindi pinapansin ang dungis ng kasalanan sa pagsasabing, "Hindi ito gaanong masama." Ang iba nama’y humihingi ng paumanhin sa kanilang pagkakamali na sinasabing , "Hindi naman ako gaanong masama tulad ng iba." At maraming paraan pa ang ginagamit para alisin ang kasalanan sa kanilang buhay. Ngunit ang tanging pag-asa ninuman upang magapi ang kasalanan ay ang galing lamang sa pamamagitan ng Kaniyang Anak, ang Panginoong Jesus, na namatay at nagbuhos ng Kaniyang dugo para sa ating mga kasalanan.

Alam na alam ni Haring David ang kasalanang kaniyang nagawa. Ang Awit 51 ay isinulat matapos na si Natan, ang propeta, ay ipinaalam kay David ang kahatulan ng Diyos sa kaniya dahil sa kaniyang pakikiapid kay Batseba at ang pagpatay kay Uriah, ang kaniyang asawa. Subalit si David ay isang lalaking may pusong katulad ng sa Diyos dahil siya’y nagsisisi. "Maawa ka sa akin, O Diyos ayon sa iyong kagandahang-loob," isinulat niya." "Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan. Sapagka’t kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang. At ang aking mga kasalanan ay laging nasa harap ko" (Mga Awit 51:1-3).

At sa Mga Awit 32 ay ipinahahayag niya ang tuwang nadama niya sa pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos:

Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, Na tinakpan ang kasalanan. Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, At walang pagdaraya anag diwa niya. Nang ako’y tumahimik, ay nanglumo ang aking mga buto Dahil sa aking pagangal ng buong araw. Sapagka’t araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay: Ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng tag-init. Aking kinilala ang aking kasalanan s a iyo, At ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: Aking sinabi, Aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan. (Mga Awit 32:1-5).

Mula sa kaibuturan ng kaniyang puso ay ibinabahagi ni David ito: "Dahil dito’y dalanginanan ka nawa ng bawat isa na banal sa panahong masusumpungan ka" (Awit 32:6). Inaala-ala ko ang maraming Kristiyano na binibigyang disiplina ng Diyos dahil sa hindi nila ipinapahayag ang kanilang kasalanan. May suliranin sila sa pananalapi, sakit sa katawan, maraming uri ng kahirapan - dahilan sa kanilang pagiging di-masunurin sa Kaniya. At kinukuha Niya ang kanilang pansin upang pagpalain at pasaganain ang kanilang buhay.

Iminumungkahi ko sa iyo ang ginagawa ko kapag ako’y may mga paghihirap - bumaling sa Panginoon at itanong, "Panginoon may kasalanan ba sa buhay ko na nangangahulugan ng pagbibigay disiplina mo sa akin?" Sinasabi sa Kasulatan na yaong iniibig ng Diyos ay kaniyang binibigyang disiplina (Hebreo 12:6) . Kapag may paghihirap ka, mahalagang tumungo sa Kaniyang Salita at ihayag ang anumang kasalanang Kaniyang ipinahihiwatig.

Ang paglilinis ng Diyos ng kasalanang nagiging hadlang sa iyo ay nagbubukas ng masagana at may kaganapang buhay na ipinagkaloob sa iyo ni Jesus.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, angkinin lamang ang sinabi at ginawa ni Jesus para sa iyo. Sa pamamagitan ng pananampalataya, tingnan mo ang iyong sarili gaya ng pagtingin ng Diyos sa iyo, Kaniyang anak - iniibig, pinatawad at nilinis. Sa panalangin maaari mong ihayag ang iyong kasalanan at magsisi. May pananampalatayang tanggapin mo ang pagpapatawad at paglilinis ng Diyos.

Maaaring magtaka ka, "Kung nabayaran na ni Kristo ang parusa ng mga kasalanan, bakit kailangang ipahayag ko pa iyon?"

Sa pagpapahayag mo ng iyong kasalanan ay pinatutunayan mo ang iyong pananampalataya sa Diyos at sa Kaniyang Salita. Ang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi nagbibigay ng higit na kapatawaran. Pinatawad ka na ni Kristo nang minsan at para sa lahat. Subalit sa pag-amin mo iyong kasalanan ay ipinapakita mo ang kahalagahan ng ginawa ng Diyos para sa iyo sa pagkamatay ng Kaniyang Anak.

Nagsalaysay si Jesus ng isang kuwento upang ilarawan ang paghahayag ng kasalanan at ang pagpapatawad ng Diyos (hinango mula sa Lucas 15:11-32). Sa pagpupumilit ng kaniyang nakababatang anak, ibinigay ng ama sa anak ang mana nito. Iniwan ng anak ang tahanan at sinayang ang kaniyang minana sa mga kasiyahan at masamang ugnayan. Hindi naglaon, bumalik sa tahanang iniwan ang anak na naghihikahos, gutom, at nagsasabing hindi na siya karapat-dapat na ituring na anak. Ngunit tumakbo ang ama upang salubungin siya; niyakap at hinagkan siya; nilagyan ng singsing ang kaniyang daliri at sapatos ang kaniyang paa; at nagbigay ng salu-salo sa kaniyang karangalan.

Sa pamamagitan ng kuwentong may aral na ito, itinuturo ni Jesus na iniibig ka ng Diyos hindi "kung," "kapag," o "dahil’ karapat-dapat ka kundi kahit ikaw ay sumusuway at mapanghimagsik. Ang isa sa mga nakaaantig na natuklasan ko sa pag-aaral ng kasulatan ay ang winika ni Jesus sa panalanging natala sa Juan 17:22,23:

At ang kaluwalhatiang sa aki’y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila: upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa; Ako’y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila’y iyong iniibig, na gaya ko na iniibig mo.

Isipin mo na lang! Iniibig ka ng Diyos tulad ng pag-ibig Niya sa Kaniyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesus. Ito’y totoo. Kapag inihayag mo ang iyong kasalanan, ang Diyos, dahil sa Kaniyang walang pasubaling pag-ibig, ay tinatanggap kang muli at pinatatawad ka. Sa halip na tumakbo ka patungo sa Kaniya dahil sa takot, tumatakbo ka patungo sa Kaniyang mapagmahal na bisig, nagtitiwala na ikaw ay pinatwad na Niya.

Ngunit kung hindi ka magtatapat sa Kaniya sa hindi mo pagkilala ng iyong kasalanan, magiging makamundo ka at mamumuhay sa dilim sa halip na sa liwanag ng Diyos. Sinasabi sa I Juan 1:6,7:

Kung sinasabi nating tayo’y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay nangagbubulaan tayo , at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan: Ngunit kung tayo’y nagsisilakad s aliwanag, na gaya niyang nasa liwanag, ay may pakikisama tayo sa isa’t isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan.

Marahil ay may kasalanan kang hindi mo pa naihahayag sa Diyos. Dahil dito, iniwan mo ang iyong unang pag-ibig sa Kaniya. Marahil may kinamumuhian ka. Ang pakikipag-ugnay mo kay Kristo ay maaaring para lamang sa sapilitan. Ang panalangin mo ay waring di nakararating sa Diyos. Nagbabasa ka ng Biblia, ngunit di mo naaalala ang iyong binabasa. Maaaring magtangka kang magbahagi ng ebanghelyo, ngunit walang tumutugon.

Isang araw ako’y nakikipag-usap sa isang kaibigan sa telepono sa loob ng kotse. Sa isang bahagi ng aming pag-uusap, ang akin lamang naririnig ay malakas na ingay. Tila may naging balakid sa signal ng radyo at hindi ko nakuha ang isang bahagi ng sinabi ng aking kaibigan. Matapos maialis ang balakid, narinig kong muli ang tinig ng aking kaibigan at naipagpatuloy namin ang aming usapan.

Hinahadlangan ng kasalanan ang iyong pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag may roong kasalanang hindi mo pa naikukumpisal ng diretso sa Panginoon, hindi mo maririnig ang tinig Niya. Mawawalan ka ng lakas ng loob at malilito. Di maglalaon, mamumuhay ka sa iyong ala-ala ng Diyos sa halip na sa isang buhay at masiglang pakikipag-ugnayan sa Kaniya.

Ang  dapat mong gawin upang maranasan ang pagpapatawad ng Diyos ay ihayag ang iyong kasalanan - espirituwal na paghingang palabas. Ang naglilinis na paghingang ito ay mapanunumbalik ang pakikipag-ugnayan mo sa Kaniya.

[Nakaraang Pahina // Paano Ka Makararanas ng Pag-Ibig at Pagpapatawad ng Diyos // Susunod na Pahina]

Jesu Cristo

Sino si Jesus?

Ang Pelikulang Jesus Ang Apat na Tuntunin Ang Buhay Na Puspos ng Banal na Espiritu Mga Oportunidad Mga Makatutulong na Impormasyon

© 1998-2003 Philippine Campus Crusade for Christ

07/11/06