Tagalog sa Web mga ibang wika

Sino, sa iyong palagay, ang pinakatatanging tao sa lahat ng panahon?

Si Jesus at ang Intelektuwal

Si Jesus ay Nagbibigay ng Kapangyarihang Mamuhay


Hindi lamang kapatawaran, layunin, at kapayapaan ang Kaniyang maibibigay. Si Jesus ng Nasaret ay siya lamang makapagbibigay ng kapangyarihang mamuhay ng isang bagong buhay.

Malimit sabihin ng lalaki’t babae, "Nais kong maging Kristiyano, ngunit kung gawin ko, tiyak hindi ko makakayanang ipamuhay ito. Hindi mo alam ang mga pagkakamali kong nagawa, mga pagkagalit na mayroon ako, mga hilig na magkasala, mga imoralidad, pag-inom ng labis, pagkahilig sa bawal na gamot, malupit na dila, at labis na problema Hindi ako naniniwalang kaya kong ipamuhay ang buhay Kristiyano.

Ngunit dahil sa tinanggap nga nila si Kristo sa kanilang buhay, ang mga tao ring ito ang nakatuklas na ang buhay Kristiyano ay di-pangkaraniwan at nabago sila ni Jesus - ang kanilang isip, gawa , at mga naisin. Kapag nagtiwala tayo kay Jesucristo, naninirahan Siya sa atin at sa pamamagitan natin. Samakatuwid, hindi na ang ating sariling lakas ang kumikilos kundi ang Kaniyang pagkilos na di-pangkaraniwan (supernatural) sapagkat Siya ang nagbibigay ng kapangyarihan, at tayo lamang ang kasangkapang ginagamit upang malayang umagos ang kapangyarihang ito.


Bagong Buhay sa Pamamagitan ng Bagong Kapanganakan


Ang Biblia ay naglalahad ng tungkol sa isang lalaking nagngangalang Nicodemo na nagnanais na sumunod kay Jesus ngunit hindi alam kung paano. Isang gabi, ang lalaking ito - mabuti, moral, mapanuntunin, relihiyosong lider, at pinuno ng mga Hudyo - ay nakipagkita kay Jesus at nagtanong, "Rabbi (ibig sabihin ay Guro), alam naming ikaw ay gurong nagbuhat sa Diyos; sapagkat walang makagagawa ng mga tanda na ang iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Diyos."

Sumagot si Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo maliban na ang tao’y ipanganak na muli ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Diyos."

Bumulalas si Nicodemo, "Hindi siya makapapasok nang makalawa sa tiyan ng kaniyang ina upang ipanganak!"

Sinabi ni Jesus, "Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos." Ibig sabihin ni Jesus na tayo’y ipinanganak sa laman at nabubuhay sa laman; ngunit ang kaharian ng Diyos ay espirituwal at ang Diyos ay isang espiritu. Kung tayo’y makikipag-ugnay sa Kaniya, dapat tayong maging espirituwal na nilalang sa pamamagitan ng espirituwal na pagsilang.

Masdan ang isang uod - isa lamang pangit , maalikabok na uod - gumagapang sa dumi. Kung makakausap mo ito, maaari mong itanong, "Bakit ka gumagapang sa dumi? Bakit hindi ka lumipad tulad ng paru-paro?’

Walang alinlangang sasagot ito, "Imposibleng makalipad ako dahil para lamang ako sa lupa; maaari lamang akong gumapang sa alikabok."

Imumungkahi mo, "Magsagawa kaya tayo ng operasyon. Kakabitan natin ng pakpak ng paru-paro ang iyong katawan."

"Hindi puwede iyon," ang isasagot ng uod.

"Itatanong mo, "Bakit hindi ka mag-aral tulad ng pagpalipad ng eroplano, sa ganon makalilipad ka?" Ngunit ang lahat ng ito ay walang saysay.

Ganon din ang mangyayari sa mga taong nagsisikap maging Kristiyano sa pamamagitan ng mabuting gawa - tulad ng mabuting ugali, pagsisimba, pagbabasa ang Biblia at pagdarasal - sa halip na sa pamamagitan ng bagong kapanganakang iniutos ni Jesus.

Tunay ngang ang uod ay hindi lumalaging uod. Darating ang araw na hahabi ito ng aliparo(cocoon) at ito’y magiging paru-paro. Hindi natin lubos na mauunawaan kung ano ang nangyari. Alam lang nating minsa’y isang uod itong gumagapang sa alikabok, ngayo’y isa ng paru-parong lumilipad sa kalawakan. Ganon din ang buhay ng isang Kristiyano. Tumatanggap tayo ng makababalaghang bagong pagsilang nang si Jesus ng Nasaret, ang bumangong Panginoon at Tagapagligtas, ay nanirahan sa atin.

Ang bagong buhay na ito ay iniuugnay tayo sa di-pangkaraniwng kapangyarihan ng muling pagkabuhay ng ating Tagapagligtas. Ngunit tulad ng isang kasangkapang hindi ginagamit, hindi natin mararanasan ang kapangyarihang ito malibang patuloy nating anyayahang gumawa ang Diyos sa ating buhay.


Sino ang Nasa Trono?


Gaya nang nasabi ko na, may trono sa bawat buhay. Kung ikaw ay nasa trono - kung ikaw ang nagpapasiya kung ano ang gagawin sa iyong buhay - maaaring hindi ka Kristiyano. Sinabi ni Kristo, "Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok ( ang pinto ng iyong puso - ang iyong kalooban, isip, damdamin): kung sino man ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya" (Apocalipsis 3:20).

Ipinangako ng Biblia na "ang lahat ng sa kaniya’y [Jesus] nagsitanggap ...pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios" ( Juan 1:12). At "Kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago" (2 Cor. 5:17).

Ang paghahabilin kay Kristo ay naglalangkap ng pagpapailalim ng kaisipan, ng damdamin at kalooban - ang buong pagkatao. Halimbawa ‘y nakatagpo ka ng isang bata pang lalaki o babae na narinig mo ng may magandang katangian. Sa iyong isipan ay gusto mo ang iyong nakikita - hitsura, personalidad, at iba pang katangian Gusto mo ang lahat ng tungkol sa taong ito. Sapat na ba ito upang magpakasal? Hindi. Mayroon pang kailangan sa pagpapakasal, ang palitang paggalang at paghanga.

Habang kayo’y nagkakakilanlan, pinana ka ni Kupido at ikaw ay umibig. Sapat na ba ito upang magpakasal? Hindi. Mayroon pang kailangan bukod sa isip at damdamin.

At kayo’y naghabilin sa isa’t isa (engaged). Hanggang dumating ang araw ng kasal. Anong kapanapanabik na araw! Sa iyong isip ay naniniwala kang siya ang pinaka kahanga-hangang tao sa buong mundo. Ang iyong puso naman ay pumipintig ng makalawang ulit habang kayo’y kinakasal.

Ngunit may mas mahalagang bagay pa na magaganap. Habang kayo’y nakatayo sa harap ng pastor upang magpalitan ng pangako, inihahabilin niyo ang inyong kalooban sa isa’t isa.

Iyan nga - ang pag-aasawa ay naglalangkap ng isip, damdamin, at kalooban. Sa pagiging Kristiyano, dapat ibigay ng isang tao ang kaniyang sarili - isip, damdamin, at kalooban - kay Kristo.


Ang Lihim ay Nasa Pagsuko


Maaaring iyong sinasabi, "Naniniwala akong si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos at Siya’y namatay para sa aking mga kasalanan. Hindi ba ako isang Kristiyano? Hindi, kung hindi mo isinusuko ang iyong kalooban sa Kaniya. O maaari mong sabihin, "Nakarinig ako ng isang kahanga-hangang sermon; ang aking emosyon ay nabagbag at nagkaroon ako ng napakagandang pakiramdam. Tumugon ako sa paanyaya na pumaroon sa unahan upang makatanggap ng payo. Hindi ba ako Kristiyano.? Hindi, kung hindi mo isusuko ang trono ng iyong buhay, iyong kalooban, kay Kristo. Ang pagsusuko ng kalooban ang siyang susi sa pagiging Kristiyano at lihim ng pagkakaroon ng matagumpay na buhay Kristiyano.

Kung hindi mo pa tinatanggap si Kristo bilang Tagapagligtas at Panginoon, maaari bang sa katahimikan ng mga sansaling ito, isuko mo ang iyong kalooban sa Kaniya - anyayahan Siyang pumasok sa iyong buhay at ipamuhay ang Kaniyang buhay sa iyo? Ang iyong buhay sa lupa at sa walang hanggan ay nakasalalay sa desisyong ito. Matitiyak mong sa pagtanggap mo kay Kristo bilang Tagapagligtas at Panginoon ay patatawarin Niya ang iyong kasalanan, bibigyan ka ng layunin sa buhay, at ng kapayapaan at kapangyarihan. Ang iyong buhay ay mababago magpakailanman. Kung nais mong tanggapin si Kristo, lamang ang iyong ulo at manalangin ng sumusunod:

Panginoong Jesus, naniniwala akong ikaw ay ang Anak ng Diyos at ikaw ay namatay sa krus para sa aking kasalanan. Isinusuko ko ang aking kalooban, ang trono ng aking buhay, sa Iyo. Ipakita mo ang Iyong layunin sa aking buhay, at Ikaw ang aking susundin. Bigyan mo ako ng kapayapaan at kapangyarihan nang sa gayo’y magbigay lugod ako sa Iyo at maitaas kita, Panginoong Jesus. Amen!

Kung tinanggap mo si Kristo sa iyong buhay, nagsimula ang isang dakilang pakikipagsapalaran na inihanda Niya para sa iyo. Sinasabi sa atin ng Biblia, "Tayo’y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay. Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo’y mayroong buhay na walang hanggan" (I Juan 5:13). Nang tanggapin mo si Kristo, may buhay na walang hanggan ka ngayon. Hindi mo na kailangang anyayahan Siyang muli. Ipinangako Niya sa Kaniyang mga tagasunod, "Ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan"(Mateo 28:20). Ang Kaniyang Banal Na Espiritu ay maninirahan sa atin sa kabuuan ng ating buhay.

Kailan lamang ay nagkaroon ako ng pagkakataong maibahagi ang kahanga-hangang katotohanang ito sa isang manggagamot at sa kaniyang asawa mula sa Zurich, Switzerland. Ipinadala nila Dr. at Gng. Pruppacher ang kanilang anak na si Hans sa University of California sa Los Angeles (UCLA) upang magpakadalubhasa sa larangan ng panahon (meteorology). Tinanggap ni Hans si Kristo sa isa naming pagpupulong at sumulat siya sa kaniyang mga magulang tungkol sa natagpuan niyang bagong pananampalataya. Binanggit niya ang aking pangalan bilang isng nagpakilala sa kaniya sa ating Panginoon. Sumulat silang nagtatanong kung maaaring makipagkita sa akin. Sa ganong kalaking gastos, ang ama at ina’y lumipad sa Los Angles upang maging mga Kristiyano.

Anong madulang pagkakataon para sa akin na ang maimpluwensiya at maykayang lalaking ito at ang kaniyang asawa’y magtungo sa aking tanggapan malapit sa UCLA . Nagsimula siyang nagpapaliwanag ng kaniyang sariling paglalakbay na espirituwal. "Ako’y di naniniwala sa Diyos ng maraming taon. ngunit ako’y walang kinabukasan sa ganitong paniniwala," wika niya. "Kaya’t nagsimula akong pag-aralan ang mga relihiyon sa Silangan. Ngunit muli, wala akong kasiyahan. May nakapagsabi sa akin tungkol sa Bagong Tipan na doon ko natagpuan ang mga kasagutan. Sinimulan kong basahin ito at ako’y naniwalang si Jesus ang hinahanap ko. Matapos ay natanggap namin ang liham ni Hans na nagsasaad kung paano mong natulungan siyang maging Kristiyano. Nais naming sabihin mo sa amin ang sinabi mo kay Hans."

Isipin mo na lamang na lamang kung ano ang aking nadama! Anong laking karangalan maibahagi sa mag-asawang ito ang tungkol sa aking Tagapagligta, ang nabubuhay na Kristo.

Ipinaliwanag kong matatanggap nila si Kristo sa pamamagitan ng simpleng pag-anyaya sa Kaniya sa kanilang buhay. Sandaling ginambala ako ni Dr. Pruppacher. "G. Bright," wika niya, "Nagawa ko na iyan. Tinatanggap ko si Jesus sa aking buhay araw-araw. Sa ilang pagkakataon ay ilang beses sa maghapon ko Siyang hinihiling na pumasok sa akin.

Ako’y natigilan. Dahil bago pa lamang akong nagbabahagi ng mga panahong iyon, hindi ko alam kung ano ang sasabihin, kung kaya’t ako’y nanalangin, "Diyos ko, tulungan Mo ako. Anong sasabihin ko?"

Ang Efeso 2:8,9 ang biglang sumagi sa isipan ko:

Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmapuri.

Ipinaliwanag kong di sapat na hilinging pumasok si Jesus sa iyong buhay; kailangang paniwalaang papasok nga Siya gaya ng Kaniyang ipinangako. "Pinararangalan ng Diyos ang pananampalataya," sabi ko. Hindi ang pag-anyaya niyo ang pinahahalagahan Niya. Ang pananampalataya niyo sa Kaniya at sa Kaniyang mga pangako ang pinahahalagahan Niya. Kung bubuksan niyo ang pinto, papasok Siya tulad ng Kaniyang pangako. Maaaring hingin niyong pumasok si Jesus ng ilang libong beses, at hindi Siya papasok hangga’t ito’y gawin niyo ayon sa Kaniyang pangako."

"Matitiyak niyong Siya’y nasa inyong buhay dahil sa sinabi Niyang Siya’y papasok. Nangako Siyang di Niya kayo iiwan o pababayaan." Iminungkahi kong tanggapin nilang muli si Kristo sa kanilang buhay ayon sa pangako ng Diyos. Ngunit bago pa man kami manalangin ang mukha ni Dr. Pruppacher ay nagliwanag , nagpapahiwatig ng katiyakan ng kaligtasan at nagsimula siyang humalakhak.

Bumaling siya sa kaniyang asawa at sa wikang Aleman ay ibinahagi ang sinabi ko. Siya rin ay tumawa, isang banal na pagtawa, tuwa ng katiyakan. Hinahanap nila ang Diyos at ngayong nabigyang liwanag sila’y ganap ang kanilang kagalakan.

Kung naanyayahan mo na si Jesus sa iyong buhay, ikaw man ay magkakaroon ng katiwasayan ng loob na Siya’y nabubuhay sa iyo at binigyan ka ng walang hanggang buhay ayon sa Kaniyang pangako. Hindi ka dadayain ni Jesus. Huwag mo Siyang insultuhin sa muling paghiling. Sa kabuuan ng iyong buhay, bilang pagpapahayag ng iyong pananampalataya, simulan ang bawat araw ng pagpapasalamat sa Kaniya. Mas malapit Siya sa iyo kaysa iyong kamay o paa o paghinga. Makapamumuhay ka, araw-araw, ng masaganang buhay ng pakikipagsapalaran tulad ng pangako Niya.

Simulan ang bawat araw sa pagkilala sa Kaniya na Panginoon ng iyong buhay. Anyayahan Siyang palibutan ang iyong katawan, samahan kang mag-isip, umibig sa iyong puso, mangusap sa iyong labi, at ipagpatuloy ang paghahanap at pagliligtas sa nawawala.

Sa pagsunod sa mga utos ni Jesus, mararanasan mo ang katuparan ng Kaniyang pangakong masaganang buhay. Pag-aralan ang Salita ng Diyos at maging aktibo sa Grupong Bagong Buhay at simbahang lokal. Pagpalain ka nawa ng Diyos at ingatan ka sa dakilang pakikipagsapalarang itong kasama si Kristong ating Tagapagligtas.

[Nakaraang Pahina| Si Jesus at ang Intelektuwal]

Jesu Cristo

Sino si Jesus?

Ang Pelikulang Jesus Ang Apat na Tuntunin Ang Buhay Na Puspos ng Banal na Espiritu Mga Oportunidad Mga Makatutulong na Impormasyon

© 1998-2003 Philippine Campus Crusade for Christ

07/11/06