Tagalog sa Web mga ibang wika

dove.gif (15162 bytes)
Isang Pagsisiyasat Sa Biblia

Pangkat 2

Sino Si Jesus?
Isang Pagsisiyasat Sa Biblia
II. Si Jesus: Ang Manggagamot

Sa unang pag-aaral ay nakita natin na si Jesus ay isang di-pangkaraniwang tao; Siya’y Anak ng Diyos. Naparito Siya sa daigdig upang tugunin ang malalim na pangangailangan ng tao.

Sa kasalukuyang pag-aaral ay tutunghayan natin kung paano tinugon ni Jesus ang mga pangangailangan ng ilang tukoy na tao. Saan mang tumungo si Jesus, nakasusumpong siya ng mga taong nangangailangan. Kalimitan, ang mga taong nakatagpo niya ay may mga karamdamang walang lunas, ngunit nabago niya ang kanilang buhay nang Kaniya silang pinagaling.

Pinagaling Niya ang biyenang babae ni Pedro, ang utusan ng isang opisyal na sundalong Romano, ang isang lalaking may paralitikong kamay, isang babaeng lumpo, isang paralitikong lalaki, mga taong may bagabagin sa espiritu at isip o mga may sakit sa balat, mga bulag na tao; at binuhay rin niya ang patay (Lucas 4:40).

A. Ang isang bulag na pulubi ay gumaling

BASAHIN: Lucas 18: 35-43

1. Sa palagay mo, anong uri ng buhay mayroon kaya ang bulag na lalaking ito?

2. Bakit kaya panay ang tawag niya kay Jesus?

3. Ano ang ginawa at sinabi ni Jesus nang marinig Niya ang tawag ng lalaki (18:40-42)?

4. Sa paanong paraan ipinakita ng lalaki ang paniniwala niya kay Jesus?

5. Kung ikaw ang nakakita sa kababalaghang ito, ano ang iisipin mo tungkol kay Jesus?

Ito ang lalaking binigyan ni Jesus ng "muling pagkakita" (Lucas 4:18). Pinagaling Niya ang maraming tao ng iba’t ibang sakit sa katawan. Nguni’t pinagaling Niya rin ang mga tao sa iba’t ibang paraan.

B. Si Jesus at si Zaqueo

Ang mga namumunong Romano ay may mga taga-singil ng buwis sa may pinakamalaking turing. Walang suweldo ang mga maniningil ng buwis. Kung kaya naniningil sila ng buwis nang labis nang sa gayon ay labis ang matitira sa kanila matapos nilang bayaran ang pamahalaan. Si Zaqueo ay isa sa mga mambubuwis na ito - suwapang at kinayayamutan ng mga tao.

BASAHIN: Lucas 19: 1-10

1. Ano ang pagtingin ni Zaqueo kay Jesus? (19:3,4,6)

2. Maraming tao ang pumuna sa pakikipag-usap ni Jesus sa gaanong uri ng tao. Ano ang pagtingin ni Jesus kay Zaqueo? (19:5, 9, 10)

3. Anong pagbabago ang naganap kay Zaqueo matapos makatagpo si Jesus? (19:8)

4. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Jesus ng "nawawala?" (19:10)

5. Ano ang ipinakikita ng pangyayaring ito tungkol kay Jesus ?

Pag-isipan:

Si Zaqueo ay ‘bihag ng kaniyang sariling kasibaan. Binigyan siya ni Jesus ng kalayaan.

Sinabi ni Jesus na naparito Siya upang "hanapin at iligtas ang mga nawawala." Nagbago ang mga tao nang makilala nila si Jesus. Anong pagbabago kaya ang maaaring maganap sa iyong buhay kapag nakatagpo mo si Jesus?

[Pangkat I / Isang Pagsisiyasat Sa Biblia / Pangkat III]

Jesu Cristo

Sino si Jesus?

Ang Pelikulang Jesus Ang Apat na Tuntunin Ang Buhay Na Puspos ng Banal na Espiritu Mga Oportunidad Mga Makatutulong na Impormasyon

© 1998-2003 Philippine Campus Crusade for Christ

03/19/01